Saturday, September 13, 2008

Aishite Imasu(Mahal Kita)


Aishite Imasu(Mahal Kita)

I. Pamagat ng Pelikula

Ang pinangyarihan ng istorya ay ang bayan ng San Nicolas. Disyembre noon ng taong 1941 nagsimula ang lahat. Sa panahong ito papausbong na ang Ikalawang Digmaang pandaigdig. Nang dumating ang mga Hapones sa kanilang bayan, nangamba na ang mga taong bayan na sila’y sakupin at alipustahin ng mga dayuhan. Si Kapitan Ichiru, ang namumuno sa hukbong Hapones sa kanilang bayan, ay napaibig kay Ignacio Basa. Nakiusap ang taong bayan na magkunwaring babae si Ignacio, upang maging espiya sa mga Hapones. Dito nakilala si Ignacio bilang ‘Inya’. Si Virginia Manalang o Binyang, ang matalik na kaibigan ni Ignacio, ay kakakasal pa lamang sa kanyang nobyo at kababata na si Edilberto Manalang ng mga panahong ito.

Sa umpisa, maayos pa ang samahan ng mga Hapones at Pilipino noon. Ngunit di kalaunan, nag-alsa ang mga Pilipino upang ipaglaban ang kanilang Inang bayan. Dito na nagsimula magmalupit ang mga Hapones, nagkaroon ng digmaan. Si Edilberto ay sumali sa pag-aaklas. Isang taksil na Pilipino ang tumutulong sa mga Hapones na nagngangalang Maura. Maraming Pilipino ang nagdusa at namatay sa digmaan. Kasama sa mga inalipusta ay sina Edna, na isang bakla, at ang anak ni Tiyang Mabel na si Anton. Sa kabila ng kaguluhan, namuo pa rin ang pag-iibigan nina Julia, isang dalagang Pilipina, at Akihiro, isang sundalong Hapones. Sa di inaasahang pagkakataon, namatay sa digmaan si Edilberto. Dahil dito nag-alab ang puso ni Binyang at di nagtagal naging pinuno ng pag-aaklas. Naging kilala siya sa pangalang ”Komander Berto”. Di kalaunan, inamin ni Igancio ang kanyang tunay na pagkatao at ang kanyang pag-espiya sa mga Hapon. Sa kabila ng lahat, minahal pa rin siya ni Kapitan Ichiru. Subalit sa bandang huli nagpakamatay si Kapitan Ichiru at Akihiro, samatalang nakulong naman si Ignacio. Isang araw itinakas ni Binyang si Ignacio sa kulungan. Subalit namatay din si Ignacio dahil sa pagsagip niya kay Binyang.

Direktor: Joel C. Lamangan

Si Joel Cruz Lamangan ay isang tanyag na Pilipinong direktor sa telebisyon at ng pelikula. Kilala rin siya bilang isang aktor. Nanalo siya ng sampung parangal sa larangan ng pelikula at labinlimang nominasyon sa mga film festival. Siya ay naging director ng animnapu na pelikula, aktor sa labindalawang pelikula at isang manunulat ng limang pelikula. Kadalasan siya nagtatrabaho kasama nina Jim Pebanco, Tony Mabesa, Maricel Soriano, at Jay Manalo. Kapansinpansin sa mga pelikula na kanyang ginawa ay ukol sa kultura at kaugalian ng mga Pilipino mapadrama, aksyon, o komedya. Ilan din sa mga pelikulang ito ay naglalarawan sa lipunan ng Pilipinas. Siya ay isang uri ng direktor na nagpapakita ng tunay na realidad sa buhay ng mga Pilipino. Ginagawa niyang makatotohanan at makahulugan ang mga pelikulang kanyang ginagawa.


II. Pagsusuri sa Pamagat

Ang ’Aishite Imasu’ ay isang salitang Hapon na nangangahulugang ”mahal kita” sa ating wika. Maaaring kaya pinamagatan ang pelikulang ito na ’Aishite Imasu’, ay dahil pinapakita dito ang iba’t ibang uri ng pag-ibig na makikita sa panahon ng pagdating ng mga Hapones. Ang pangunahing uri ng pag-ibig na ipinamalas dito ay ang pag-ibig sa bayan, sapagkat pinaglalaban nila ang kalayaan ng Inang Bayan laban sa mga banyaga. Ipinakita rin dito ang walang patid na pagmamahal o unconditional love ni Kapitan Ichiru kay Ignacio sa kabila ng pagiging bakla, Pilipino at espiya. Tinanggap niya ang buong pagkatao ni Ignacio. Ang uri ng pag-ibig na ipinamalas nina Julia at Akihiro, ay isang uri ng pag-iibig na walang tinitingnan na pagkakaiba ng lahi. Kahit di sila magkaintindihan ng wika at magkalaban ang kanilang mga lahi, namuo pa rin ang kanilang pag-iibigan. Pagmamahal sa asawa at pamilya ay inilarawan din. Simula nang namatay ang pinakamamahal na asawa ni Binyang ay nagsimula na siyang mag-aklas. Ganoon din naman si Edilberto, nang namatay ang kanyang pamilya ay sumali na siya sa mga rebelde upang mabigyang hustisya ang mga namatay niyang mga mahal sa buhay. Pag-ibig ng magkaibigan ay makikita rin dito. Ang pagbuwis ng buhay ni Binyang sa pagsagip kay Ignacio, at ang pagliligtas ni Ignacio kay Binyang na naging kapalit ng kanyang buhay, ay isang tunay na pagmamahal sa isang kaibigan.


III. Pagbibigay Pansin at Puna sa Mahahalagang Elemento

A. Galaw ng Pangyayari
Simula

Noong bata pa lamang si Ignacio Basa, lagi siya binubugbog ng kanyang ama, kaya inampon siya ni Tiyang Mabel, ina ni Binyang. Sabay lumaki sina Ignacio at Binyang. Naging matalik silang magkaibigan at halos magkapatid ang turingan nila. Si Ignacio ay naging binabae. Sa paglaki nila, naging kasintahan ni Binyang si Edilberto, na gusto rin ni Ignacio.

Disyembre noon ng 1941, nang dumating ang mga Hapones sa bayan ng San Nicolas. Nakapandamit pangbabae si Ignacio noon. Di inaasahang mahulog ang loob ni Capt. Ichiru kay Ignacio. Pinakiusapan ng mga rebolusyonaryo si Ignacio na mag-anyong babae upang maging espiya siya sa mga Hapones. Ayaw naman talaga ni Ignacio noon, ngunit pumayag din s’ya para kay Edilberto. Nakilala si Ignacio bilang ”Inya”. Sa umpisa, maayos pa ang samahan at pakikitungo ng mga Hapones at Pilipino sa isa’t isa. Nang mga panahon din na ito, nagpakasal na sina Edilberto at Binyang. Di nagtagal, umusbong ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipinong rebolusyonaryo at hukbong Hapones. Maraming Pilipibo ang nagdusa, inalipusta at pinaslang.

Kasukdulan

Nang namatay si Edilberto habang nakikidigma sa mga Hapones, nag-alab ang puso ni Binyang. Sumali siya sa Samahan ng mga rebolusyonaryo upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang asawa at ipagpatuloy ang nasimulan ni Edilberto. Di nagtagal, naging pinuno siya ng samahan at nakilala siya bilang ” Kapitan Berto”. Maraming napagwagian na laban sina Kapitan Berto. Dahil dito, naging tanyag siya at naging banta sa mga Hapones. Sa paghahanap nila kay Komander Berto/Binyang, maraming Pilipino ang kanilang pinaslang at pinahirap para mapalabas lamang si Komander Berto. Inamin naman ni Ignacio ang kanyang tunay na pagkatao kay Capt. Ichiru, pati na rin ang kanyang pagiging espiya. Subalit sa kabila ng lahat, tinanggap ni Capt. Ichiru ng buo si Ignacio. Minahal n’ya pa rin si Ignacio. Ngunit di nagtagal, natuklasan ng mga Hapones ang kalikuan ni Capt. Ichiru at ang pagiging espiya ni Ignacio. Dinakip sila pero nakatakas din.

Wakas

Sa labis na kahihiyan, nagpakamatay sina Capt. Ichiru at Akihiro. Ang pagpapakamatay dahil sa labis na kahihiyan o hara kiri ay parte ng kanilang kultura. Samantalang si Ignaco naman ay nadakip at ikinulong muli. Sa loob ng kulungan, binugbog, inalipusta at pinahirapan ng mga Hapones si Ignacio. Ginawa nila ito upang aminin ni Ignacio kung sino si Kapitan Berto. Subalit kahit anong gawin nilang pagpapahirap, di nagsalita si Ignacio.

Hanggang sa isang araw, lumusob ang hukbo nila Binyang/ Kapitan Berto sa kulungan upang mailabas si Ignacio. Nagkaroon ng barilan noong palabas na sila. Nang may tatama ba bala kay Binyang, sinalo ito ni Ignacio na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.


B. Mga Tauhan

Ignacio Basa/ Inya

Lagi siyang binubugbog ng kanyang ama noong siya’y bata pa. Upang matigil ang paghihirap na kaniyang dinanas, kinupkop siya ni Tiyang Mabel. Lumaki siya kasabay ni Binyang at naging matalik na magkaibigan sila. Kahit pa noong mga bata pa lamang siya ay may gusto na siya kay Edilberto. Lumaking binabae o bakla si Ignacio. Madalas siyang nagsusuot ng damit na pambabae at kumakanta sa entablado. Napaibig sa kanya si Capt. Ichiru. Sa pagdating ng mga Hapones, pinkausapan siya na magkunwaring babae at mag-espiya sa mga Hapones. Ayaw niya pero pumayag din para kay Edilberto. Di nagtagal nahulog ang loob ni Igancio kay Capt. Ignacio. Napaghinalaan siyang taksil dahil di na s’ya nagbibigay ng impormasyon. Nang malaman ng mga Hapon ang pinagtataguan ng mga rebelde, binalaan kagad ni Ignacio sina Kapitan Berto/ Binyang na magsilikas. Dahil dito, pinakulong siya kasama si Ichiru, ngunit nakalaya din. Pagkatapos mamatay ni Capt. Ichiru, adakip ulit siya ng mga Hapones. Labis siyang pinahirapan sa kulungan. Nilusob nina Komander Berto/ Binyang ang kulungan at itinakas si Ignacio, ngunit namatay din siya dahil sa pagsagip ng buhay ng kanyang kaibigan na si Binyang.

Isa sa mga katangian na ipinamalas ni Ignacio ay ang kanyang pagiging tapat. Dahil sa katangiang ito, hindi niya nagawang aminin sa mga Hapones ang tunay na pagkatao ni Komander berto. Kahit sobra-sobra na ang pang-aabuso at pagpapahirap sa kanya, di pa rin siya umamin. Isa pang katangian ay ang kanyang di makasarili. Ang kanyang pagtanggap ng alok na magpanggap na babae at maging espiya ay mapanganib. Di niya alintala ang maaaring gawin sa kanya kapag natuklasan ng mga Hapones ang katotohanan. Naipakita n’ya rin ang katangiang ito nang sagipin niya si Binyang. Kahit sa huling sandali ay inisip n’ya pa rin ang ibang tao. Sinalag niya ang tama ng bala kahit alam niyang maaari siyang mamatay.

Edilberto Manalang

Si Edilberto ay ang asawa at mangingibig ni Binyang. Mayroon din gusto sa kanya si Ignacio. Kasapi siya sa samahan ng mga rebolusyonaryo laban sa mga Hapones. Si Edilberto ang naging dahilan kung bakit pumayag si Ignacio sa alok nilang mag-anyong babae siya para maging espiya sa mga Hapon. Mula nang pinaslang ang kanyang pamilya ay lalo tumindi ang pagkamuhi niya sa mga Hapones. Mas pinagtutuunan niya ng oras ang pakikidigma laban sa mga Hapones kaysa sa kanyang may-bahay. Dahil dito naging isa sa mga sanhi ng pagkamatay ng kanyang tatlong anak habang nasa sinapupunan pa lamang ni Binyang. Nagkaroon siya ng maraming pagkukulang sa kanyang asawa. Lahat ng oras, atensyon at pagmamahal ay napunta na sa bayan at paghihiganti. Sa bandang huli, natauhan siya at bumalik muli ang kanyang pagtingin kay Binyang nang bugbugin sa kanyang harapan ang kanyang asawa sa pagaakala na siya’y nagtaksil. Namatay siya habang buong tapang na nakikipagbarilan sa mga Hapones.

Isa sa mga katangian ni Edilberto ay ang kanyang sobrang pagmamahal sa bayan, kahit may halo itong paghihiganti. Dahil dito, mas pinagtutuunan niya ng pansin ang pakikidigma kaysa arugain ang kanyang asawa. Makikita sa pelikula kung paano nabago ng sobrang pagmamahal sa bayan si Edilberto. Marami na siyang pagkukulang kay Binyang at naging malayo na ang loob nila sa isa’t isa. Isa pang katangian ay ang kanyang pagiging matapang. Kahit may sakit pa siya noong araw ng kanyang kamatayan ay nakipaglaban pa rin siya. Kahit nagsitakbuhan na ang kanyang mga kasamahan sa pagdating ng mga eroplanong pandigma ng mga Hapones, ay di pa rin tumigil sa pamamaril. Kahit ilang bala na ang tumama sa kanya ay pinipilit pa rin niyang makatayo at makabaril. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay siya ay nagpakita ng kagitingan.


Virginia Manalang/ Binyang

Si Virginia Manalang o Binyang ay ang matalik na kaibigan ni Ignacio simula pagkatabata. Naging kasintahan niya si Edilberto at di nagtagal napangasawa niya. Siya ay naging isang simpleng maybahay, habang nakikipaglban naman si Edilberto. Nagbago lamang ang kanilang samahan mula nang namatay ang buong pamilya ni Edilberto. Simula noon, nabaling na ang pagmamahal ni Edilberto sa bayan. Kinainggitan ni Binyang ang bayan dahil mas pinagtutuna ng pansin ni Edilberto ang bayan kaysa sa kanya. Dahil sa sobrang pighati na dinanas niya noong digmaan at mga pagkukulang ni Edilberto, nagsanhi ito ng pagkamtay ng kanyang tatlong anak habang nasa sinapupunan pa lamang. Sa kabilang dako naman, naging isang tapat at mabuting kaibigan si Binyang kay Ignacio. Sa haba ng naging kanilang mga pinagdaanan, nanatili pa rin silang tapat sa isa’t isa. Nang namatay si Edilberto, sumapi si Binyang sa samahan ng mga rebolusyonaryo. Naging kilala siya bilang Komander Berto.

Isa sa mga katangian ni Binyang ay ang kanyang pagiging matatag. Ang pinagdaanan ni Binyang ay lubhang mahirap. Sa kabila ng pagkakaroon siya ng problema sa relasyon n’ya sa kanyang asawa at pagkamatay ng kanyang mga anak ay naging matatag pa rin siya. Hindi siya sumuko sa mga alon ng buhay. Lubhang matibay ang kanyang loob bagama’t siya’y isang babae. Isa pang katangian ay ang kanyang pagiging matapang. Nagpamalas siya ng lakas pangkababaihan. Bagama’t siya ay babae, sumama siya sa mga labanan at barilan. Walang takot siyang nakipaglaban at namaril.Nagpakita siya ng tapang at hindi kahinaan ng isang babae. Nagawa rin niyang maging pinuno ng hukbo. Marami din siyang napagwagian na laban.

Capt. Ichiru

Si Capt. Ichiru ay ang pinuno ng hukbong Hapones sa bayan ng San Nicolas. Nahulog ang kanyang loob kay Ignacio. Matindi ang kanyang pagmamahal sa bayan. Malaki ang kanyang pagkamuhi sa mga Amerikano sapagkat pinaslang nila ang kanyang pamilya. Bagama’t nalaman niyang isang lalake si Ignacio at naging espiya siya sa mga Hapones, di pa rin nagmaliw ang kanyang pagmamahal. Nang nalaman ng mga Hapones ang kalikuan ni Capt. Ichiru, siya ay ikinulong kasama ni Ignacio. Ngunit nakatakas din naman sila. Dahil sa kahihiyan, nagpakamatay si Ichiru kasama ni Akihiro. Ang isinagwa nila ay parte ng kanilang kultura na tinatawag na hara kiri.

Isa sa mga katangian ni Capt. Ichiru ay ang kanyang pagiging maunawain. Isa sa mga katagang binitawan niya na nagpakita ng pagiging maunawain ay ang: “I don’t want you to stop loving your country just because you love me.” Nauunawaan niya na natural lang naman ang ginawa ni Ignacio dahil para sa kapakanan ng kanyang sariling bayan. Isa pang katangian ay ang kanyang pagiging mapagmahal at matindi magmahal. Minahal niya si Ignacio sa kabila ng pagkukuwaring babae, pagiging espiya at pagkakaiba ng lahi. Ang pagmamahal ni Capt. Ichiru ay mamatawag na isang unconditional love.

Maura

Si Maura ay isang Pilipina na nagtatrabaho sa mga Hapones bilang isang taga-salin ng wika. Isa sa mga katangian ni Maura ay ang kanyang kawalan ng pagmamahal sa sariling kababayan. Imbis na makiisa sa kapwa niyang mga Pilipino sa pagtatanggol ng ating bayan, ay isa pa siya sa mga nag-uudyok na pahirapan at paslangin ang mga Pilipino. Hindi man lamang siya naawa sa mga kapwa niyang Pilipino na inaalipusta sa kamay ng mga Hapones. Imbis na pigilan niya ay sinusulsulan niya pa ito. Isa pang katangian ni Maura ay ang pagiging taksil. Pinagtaksilan niya ang kanyang kapwa Pilipino sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga Hapones at pagtulong sa pagtuligsa sa ating mga kababayan. Himbis na makipagtulungan siya sa mga Pilipino ay mas pinagsisilbihan pa niya ang mga banyaga. Hindi marunong tumingain sa sariling pinanggalingan si Maura.

C. Eksena at Dayalogo

Eksena

Pag-amin ni Ignacio kay Capt. Ichiru na siya ay lalake at pag-amin niya rin na tumutulong siya sa guerilla.

Sa kabila ng pag-amin ni Ignacio, tinanggap pa rin siya ni Capt. Ichiru. Ang nakakaantig pa rito, matagal nang natuklasan ni Capt. Ichiru ang katotohanan bago pa man aminin ni Ignacio. Ipinapakita lamang dito ang walang patid na pagmamahal ni Capt. Ichiru sa isang lalakeng nagpanggap at nanlinlang sa kanya. Ang pag-ibig na ito ay lubhang mapagpatawad at sadyang tunay.

Pakikipagsapalaran ni Binyang sa mga Hapones para ipagpatuloy ang nasimulan ng kanyang yumaong asawa.

Ipinakikita dito ang lakas pangkababaihan. Kahit mga babae ay may kakayahan din mamuno ng isang hukbo ng mga rebolusyonaryo. Pinakita din dito na kaya din ng mga babae na makipaglaban at ang mga babae ay di lamang pantahanan.

Dahil sa pakamatay ng kanyang asawa ni Binyang, nais na niyang maghiganti sa mga Hapon. Ang paghihiganti ay natural lamang. Nagawa niyang humawak ng baril at sumama sa rebolusyon ng mga guerillas. Sa kabila ng pagiging babae, nagpakita siya ng tapang. Namuno siya sa guerilla at naging kilala si Binyang bilang Komander Berto. Sa kanyang malakas na pwersa ay naging malaking panganib siya sa mga Hapon.



Pagkamatay ni Edilberto Manalang.

Bagama’t masama ang pakiramdam ni Edilberto, nagpakita siya ng tapang sa pakikidigma. Nang dumating ang mga pandigmang himpapawid ng mga Hapon, nagsitakbuhan ang mga Pilipino maliban kay Edilberto. Pinagbabaril niya ang mga eroplano. Di na niya alintala ang panganib. Binaril siya, at kahit sugatan na siya pinagpatuloy pa rin niya ang pamamaril. Hanggang sa ilang tama na ng bala ang tumama sa kanya ay patuloy pa rin siya sa pakikipaglaban. Di nagtagal ay napatumba na s’ya ng mga tamang ito. Ang eksenang ito ay nagpakita ng katapangan at kahit sa huling sandali ng kanyang buhay ay nakikipaglaban parin siya para sa Inang Bayan. Ipinakikita rin dito na handang magbuwis ng buhay ang isang taong may labis na pagmamahal sa kanyang bansa. Ang pagkakaroon ng flashback bago s’ya pumanaw nangangahulugan ng panghihinayang, sapagkat di na ito maibabalik. Ipinahihiwatig din dito ang tunay na paninilbihan sa bansa, kahit sabihing iniisip din ang pamilya at sarili, mas pinili niyang lumaban kaysa ang manatiling tahimik. Sinakripisyo n’ya rin ang relasyon niya sa kanyang pamilya dahil sa sobra niyang pagsisilbi sa bayan.

Dayalogo

Capt. Ichiru: I love you as a man, no race, no color.

Ang tinutukoy dito ay ang ”unconditional love” na nadama ni Capt. Ichiru para kay Ignacio. Noon unang panahon may diskriminasyon at inferiority complex sa magkakaibag lahi. Ipinahihiwatig nito na sa kabila ng pagkakaiba nina Capt. Ichiru at Ignacio, hindi ito naging hadlang para mahalin pa rin ng buo ni Capt. Ichiru si Ignacio. Minahal niya si Ignacio bilang kung anu ba talaga si Ignacio. Minahal niya ang lahat kay Ignacio.

Capt. Ichiru: I don’t want you to stop loving your country just because you love me.

Ang nais iparating ni Capt. Ichiru ay huwag kalimutan ang bayan na pinanggalingan at kinalakihan. Bagama’t walang masama sa pakikipagrelasyonsa mga banyaga, subalit dapat huwag natin kalimutan ang mga tungkulin natin sa bayan. Ang pagmamahal sa dayuhan ay di nangangahulugan ng paglimot at pagtigil sa pagmamahal sa sariling bayan.

Binyang: Unti-unti kami pinapatay. Sinugatan ang aming puso...binaluktot ang aming isipan bago kami pinatay ng digmaan.

Inilalarawan ng linyang ito na di lamang pisikal na kamatayan ang nagaganap sa isang digmaan, kundi sikolohikal na kamatayan din. Nariyan ang pagkawasak ng isang tahanan at pagkawala ng mahal sa buhay. Ang mga pangyayaring ito ay nag-iwan ng malalim na sugat sa mga mamamayan ng panahon ng Hapon. Binabago ng digmaan ang ugali at pakikisama ng mga tao. Nagiging malupit ang dating mapag-aruga dahil sa adhikaing makaganti sa mga Hapones. Binabago ng digmaan ang persepsyon at paniniwala ng mga tao. Di kalaunan, pinapatay nito ang dating mapayapa at mapagmahal na pagkatao ng mamamayan noon.

Binyang: Binaluktot ka na ng sobrang pagmamahal mo sa bayan.

Ang katagang ito ay nabanggit ni Binyang kay Edilberto. Nasabi niya ito dahil nagbago ang pag-uugali at pakikisama ni Edilberto dahil sa sobrang pagmamahal sa bayan. Kaalinsabay din ng pakikipaglaban ni Edilberto ay ang adhikain niyang ipaghiganti ang kanyang pinaslang na pamilya. Nagiging halimaw na si Edilberto, kapag nakabaril siya ng Hapon, tinatadtad niya pa ito ng bala kahit patay na. Hindi mapag-aruga at mapagmahal si Edilberto. Hindi na rin niya naaalagaan si Binyang. Nagkaroon na ng maraming pagkukulang si Edilberto kay Binyang dahil wala siya ibang inisip kundi ang bayan.

IV. Panunuring Pampanitikan

Historikal

Ipinakita sa pelikulang ito ang kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng mga Hapon. Ang mga Pilipino ay nakikipaglaban upng makamit ang kalayaan sa kamay ng mga Hapones. Sa pelikulang ito ipinakita ang mga pagdurusa na dinanas ng mga Pilipino noon sa kamay ng mga mapagmalupit na mga Hapones. Maraming nasirang pamilya at maraming sugat ang nahirapan maghilom likha ng digmaan.

Sa simula ng pelikula, ang mayor ng San Nicolas ay interisado sa kung ano ang naitulong at karapatdapat bang parangalan ang mga bayani noong panahon ng mga Hapon. Nagkaroon ng pagbabalik tanaw si Binyang noon. Ang mga inilahad ni Binyang makatutulong sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa panahon ng mga Hapon. Nabigyan din sa paglalahad na ito ang tunay na pangyayari noong mga panahon na iyon.

Feminismo

Kakikitaan ng lakas pagkababaihan o women empowerment ang pelikulang ito. Si Binyang na sa kabila ng pagiging isang babae, ay nagawa niyang sumama sa pagkikidigma at humawak ng baril. Naging pinuno din siya ng hukbong ito at naging kilala bilang Komander Berto. Nagpakita siya ng tapang at kagitingan. Pinakita dito na ang mga babae ay may kakayahan din mamuno, makipaglaban, humawak ng baril at sumama sa digmaan. Inilalarawan dito na hindi mahihina ang mga kababaihan.




V. Bisang Pampanitikan

Bisa sa Isip

Ang pelikulang ito ay nabago ang aking persepsyon ukol sa mga kakayahan ng mga kababaihan. Akala ko noon na ang henerasyon lang namin ang may mga matatapang at maimpluwensyang mga babae. Di ako makapaniwala na pati pala noong panahon pa ng Hapon ay nagpakita na ng tapang ang mga kababaihan. Napagtanto ko na noon pa lamang ay mayroon ng lakas pangkababaihan.

Bisa sa Damdamin

Ako ay labis naantindig sa pag-iibigan nina Ignacio at Capt. Ichiru. Ang pagmamahal ni Capt. Ichiru na labis labis na kahit anong pagkakaiba at pagkakamali ni Ignacio ay tinggap niya pa rin sa kabila ng lahat. Nais kong magmahal tulad ng pagmamahalan nina Ignacio at Ichiru, at nina Julia at Akihiro na minahal at tinanggap nila ang isa’t isa ng buo. Naging inspirasyon ko sila sa buhay pag-big.

Bisa sa Kaasalan

Sa pelikulang Aishite Imasu, marami akong napulot na aral lalo na sa pagmamahal sa Inang Bayan. Dapat hindi ko makalimutan ang aking mga tungkulin at pagmamahal sa aking bayan kahit ako ay umiibig sa isang banyaga o kung kanino man. Walang masama sa pagmamahal sa ating Inang Bayan, subalit kailangan ko pa rin isalaalang –alang ang relasyon ko sa aking pamilya. Di dapat maging sobra, tulad kay Edilberto, kundi balanse lamang.

Bisa sa Lipunan

Kung ang lahat ng tao ay makakapanuod ng pelikulang ito, magiging maalam tayo sa mga kaganapan noong panahon ng mga Hapon. Mabubuo ang pagkabayani at nasyonalismo ng bagong henrasyon. Mapagtatanto din ng mga manuuod ang ating mga tungkulin sa bayan. Magkakaroon din ng bagong pananaw ang mamamayan sa papel at kakayahan ng mga kababaihan sa lipunan. Magiging inspirasyon din nila ang uri ng pag-iibigan sa pagitan nina Capt. Ichiru at Ignacio.